Noong panahong iyon,
lumapit si Pedro kay Hesús at nagtanong sa kaniyá,
“Panginoón,
makailan kong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit
na nagkakasala sa akin?
Makapito po ba?"
Sinagot siyá ni Hesús,
“Hindi ko sinasabing makapito,
kundi pitumpung ulit pa nito.
sapagkat ang paghahari ng Diyós ay katulad nito:
Iipinasiyá ng isang hari
na pagbayarin ang kaniyáng mga lingkod na may utang sa kaniyá.
Unang dinala sa kaniyá ang may-utang na sampung milyong piso.
Dahil sa siyá’y walang ibayad,
iniutos ng hari na ipagbili siyá,
ang kaniyáng asawa,
mga anak,
at lahát ng ari-arian,
upang makabayad.
Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa:
‘Bigyan pa ninyó akó ng panahon,
at babayaran ko sa inyó ang lahát.’
Naawa sa kaniyá ang hari
kaya ipinatawad ang kaniyáng mga utang at pinayaon siyá.
Ngunit pagkaalis niyá roon
ay nakatagpo niyá ang isa sa kaniyáng kapuwa lingkod
na may-utang na limandaang piso sa kaniyá.
Sinunggaban niyá ito at sinakal,
sabay wika:
‘Magbayad ka sa utang mo!’
Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kaniyá:
‘Bigyan mo pa akó ng panahon at babayaran kita.’
Ngunit hindi siyá pumayag;
sa halip ipinabilanggo niyá ang kaniyáng kapwa lingkod
hanggang sa ito’y makabayad.
Nang makita ng kaniyáng mga kapuwa lingkod ang nangyari,
silá’y labis na nagdamdam;
pumunta silá sa hari at isinumbong ang nangyari.
Kaya’t ipinatawag siyá ng hari.
‘Ikaw – napakasama mo!’ sabi niyá.
‘Pinatawad kita sa utang mo
sapagkat nagmakaawa ka sa akin.
Nahabag akó sa iyo;
hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’
At sa galit ng hari,
siyá’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niyá ang kaniyáng utang.
Gayon din ang gagawin sa inyó ng aking Amang nasa langit
kung hindi ninyó patatawarin ang inyóng kapatid."
Ang Mabuting Balità ng Panginoón!