Saturday, September 3, 2011

Ang Mabuting Balità ayon kay San Mateo 18:15-20

15 At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo,
pumaroon ka,
at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa:
kung ikaw ay pakinggan niya,
ay nagwagi ka sa iyong kapatid.
16 Datapuwa’t kung hindi ka niya pakinggan,
ay magsama ka pa ng isa o dalawa,
upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa’t salita.
17 At kung ayaw niyang pakinggan sila,
ay sabihin mo sa iglesia:
at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia,
ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.
18 Katotohanang sinasabi ko sa inyo,
na ang lahat ng mga bagay na inyong talian sa lupa ay tatalian sa langit:
at ang lahat ng mga bagay na inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.
19 Muling sinasabi ko sa inyo,
na kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anomang bagay na kanilang hihingin,
ay gagawin sa kanila ng aking Ama na nasa langit.
20 Sapagka’t kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan,
ay naroroon ako sa gitna nila.
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------Ang Iglesya ay sakramento ng pakikipagkasundo. Dito ay natatanggap ang kapatawarang napanalunan ng Panginoon sa kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Hindi ba’t ang Panginoon na mismo ang nagbigay ng gawain ng pagpapatawad at pakikipagkasundo sa kanyang mga apostoles? Sa talata ng Mateo 18:15-20 ay matatagpuan ang proseso ng pakikipagkasundo. May tatlong hakbang sa prosesong ito na nagsisimula sa biktima ng pagkakasala ng iba, sa dalawa o tatlong testigo at pagkatapos ay sa Iglesya mismo. Sinasabi ng mga bihasa na ang prosesong ito ay ibinase sa isang kasabihan ng Panginoon na matatagpuan ngayon sa Lukas 17:3


kung magkasala ang iyong kapatid,
sawayin mo siya;
at kung siya’y magsisi,
patawarin mo siya



Madaling patawarin ang kapatid na nagsisisi. Nguni’t paano kung hindi siya magsisi? Ang prosesong may tatlong hakbang ang tugon ni Mateo.